-- Advertisements --

Inihanda na ng Philippine National Police (PNP) ang plano para sa seguridad sa tatlong araw na rally sa Maynila at Quezon City mula Nobyembre 16 hanggang 18.

Ayon kay Acting Chief PNP Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez, Jr., ipatutupad ang maximum tolerance at mahigpit na disiplina sa mga pulis para matiyak ang maayos at ligtas na pagtitipon.

Magpapakalat ang PNP ng mahigit 16,400 pulis mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at iba pang support units sa Luneta, EDSA People Power Monument, at iba pang lugar kung saan posibleng magrally.

Magtatalaga rin ng 1,400 pulis sa Ayala Bridge at 1,100 pulis sa Recto Avenue dahil nagkaroon na ng gulo sa mga lugar na ito noong September 21 protest.

Sinabi rin ni Nartatez na magkakaroon ng rotation system para makapagpahinga ang mga pulis na naka-deploy na mula pa noong Setyembre.