Pinaiimbestigahan na ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief B/Gen. Debold Sinas sa Regional Internal Affairs Service (IAS) ang insidente na kinasangkutan ng isang heneral na nangumpiska sa cellphone ngreporter.
Ayon kay Sinas, para maging patas sila ay ipinag-utos ni Philippine National Police officer-in-charge P/Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa na siyasatin ang ginawa ni Southern Police District (SPD) Director Pol. B/Gen. Nolasco Bathan sa reporter na si Jun Veneracion.
Wala naman aniyang itinakdang time frame sa imbestigasyon at siniguro na ilalabas ang resulta kapag ito’y natapos na.
Nilinaw naman ng NCRPO chief na hindi sisibakin sa kaniyang puwesto si Bathan habang gumugulong ang imbestigasyon dahil naniniwala ito na nadala lamang sa emosyon at sa mga pangyayari ang heneral.
Aminado si Sinas na dahil sa mga natatanggap nilang banta kaya naghigpit sila ng seguridad pero walang direktiba na kukumpiskahin ang cellphone ng mga media.
Sinuguro ni Sinas na hindi na mauulit pa ang kahalintulad na insidente.
Humingi na rin ng paumanhin si Bathan sa reporter at tinanggap naman ito ng huli.