-- Advertisements --
Banac
PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac

Dumistansya ang PNP sa isyung kinasangkutan ni dating PNP Chief Police General Oscar Albayalde.

Ito’y matapos na irekomenda ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na makasuhan sina Albayalde at ang 13 pulis kaugnay ng maanomalyang drug raid sa Pampanga noong 2013 kung saan nagkaroon umano ng “recycling” ng illegal na droga.

Hinatulang “guilty of malfeasance, misfeasance and nonfeasance,” si Albayalde at ang13 ninja cops sa pangunguna ni PLtCol. Baloyo.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP Spokesperson PBGen Bernard Banac sinabi nito na ang abogado nalang ni Gen. Albayalde ang magbibigay ng statement kaugnay ng isyu.

Dagdag ni Banac, wala na silang contact kay Albayalde mula nang umalis ito sa Camp Crame makaraang bumaba sa pwesto.

Kamakalawa ay nilisan na ni Gen. Albayalde ang white house sa camp Crame, na siyang opisyal na tirahan ng PNP Chief, at umuwi na sa kanyang pamilya sa Pampanga matapos na mag “non-duty status” hanggang sa kanyang pagreretiro sa November 8,2019.

Bukod sa kasong criminal maaari din makasuhan si Albayalde ng kasong administratibo habang nasa serbisyo pa ito.