-- Advertisements --

CPNP6 3

Nilinaw ng Philippine National Police na hindi pa rin sarado ang kaso ng pagkamatay ng artist na si Bree Jonson at hindi pa nila isinasantabi ang anggulong “foul play”.

Ayon kay PNP chief General Guillermo Eleazar na patuloy ang usad ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Bree kahit pa may initial findings na “Asphyxia” ang kinamatay ng dalaga base sa autopsy.

Ayon kay Eleazar, hinihintay pa nila ang resulta ng histophatological examination o pagsusuri sa tissue ni Jonson at posibleng abutin ito ng isa pang linggo bago lumabas.

Paliwanag niya, pataas ang markings na nakita sa leeg ni Bree at walang indikasyon na nanlaban ito para sa kanyang buhay pero gayunman ay hindi pa rin nila isinasantabi ang anggulo ng foul play.

Sa ngayon, patuloy aniya na nangangalap ng ebidensya ang binuong Special Investigation Task Group (SITG) tungkol sa kaso.

Sinabi naman ni Eleazar na natanggap na nila ang kopya ng CCTV sa labas ng kwarto ni Bree.

Nakakuha na rin sila ng mga salaysay sa mga tao sa resort sa La Union na pinaglagian ni Bree.

Samantala, siniguro ni Eleazar na wala silang sasantuhin sa kaso at magiging patas sila sa imbestigasyon.

Kung kinukuwestiyon naman ang paglaya ni Julian Ongpin, iyon aniya ay desisyong legal lalo na at nagpiyansa ito.

Sinisiyasat din ng otoridad maging ang pag-alis umano ni Ongpin sa labi ni Jonson sa pagkabitin bunsod ng umano’y pagbigti nito at kung bakit natagalan bago ipaalam sa otoridad ang pangyayari.