-- Advertisements --

May impormasyon ang Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kung saan nagtungo ang sasakyan ni Senador Robin Padilla na sinakyan din ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa palabas ng Senado noong madaling araw ng Mayo 14.

Nang tanungin ng kawani ng media kung saan nagtungo ang sasakyan ng senador, tanging sinabi ni CIDG Director Major General Robert Alexander Morico II ay batid nila kung saan nagtungo ang naturang sasakyan, ngunit hindi muna sila magbibigay ng karagdagang detalye habang gumugulong ang imbestigasyon.

Ipinauubaya na rin ng CIDG kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagkomento kaugnay sa warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay Dela Rosa. Ito ang naging tugon ni Morico nang matanong kung natanggap na ng grupo ang arrest warrant.

Tiniyak naman ni Morico na susundin ng CIDG ang anumang magiging direktiba ng hepe ng PNP.

Sa kasalukuyan, nakatutok ang CIDG sa imbestigasyon ng naganap na pamamaril sa labas ng Senado.

Una nang kinumpirma ng PNP sa isang briefing sa Malacañang na nakita sa mga CCTV footage ang pag-alis ng dalawang senador gamit ang sasakyan ni Padilla.

Nangyari ito ilang oras matapos ang palitan ng mga putok sa pagitan ng mga tauhan ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) at National Bureau of Investigation (NBI).