-- Advertisements --

Kinumpirma ng Office of the Ombudsman na nagsumite ng counter-affidavit si Senador Robin Padilla sa reklamong obstruction of justice laban sa kaniya.

Ipinaliwanag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hindi naka-log ang kontra-salaysay ng senador sa kanilang central records system at sa halip ay naisumite sa division na nagiimbestiga sa reklamo laban sa kaniya.

Matatandaang noong Hulyo 17, sinabi ni Remulla na hindi tumugon si Padilla sa summons ng kaniyang tanggapan para magsumite ng counter-affidavit sa complaint-affidavit na inihain laban sa kaniya kaugnay ng umano’y pagtulong niya kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na makatakas mula sa Senado matapos ang nangyaring pamamaril sa loob ng institusyon noong Mayo.

Itinanggi naman ng senador ito at nilinaw niya sa mismong impeachment trial kay Vice President Sara Duterte, na naghain siya ng kaniyang counter-affidavit noong Hulyo 9.