Nilinaw ni Senador Robin Padilla na ang kaniyang pahayag na “Komunista po ako” ay tumutukoy sa pagtataguyod ng social justice o hustisyang panlipunan at hindi sa armadong pakikibaka.
Ginawa ng senador ang paglilinaw ngayong Huwebes, Hulyo 16 matapos umani ng iba’t ibang reaksyon ang kaniyang kontrobersiyal na pahayag.
Ipinaliwanag ni Padilla na ang tinutukoy niyang komunismo ay ang mas sinaunang sistema na nauna pa sa ideolohiya ni Karl Marx.
Binigyang-diin niya na ang kaniyang bersyon ng komunismo ay nakabatay sa pagmamalasakit sa kapwa, pagkakapantay-pantay, at pagtutulungan ng mga tao.
Iniugnay niya ito sa naging pamumuhay ng mga unang Kristiyano o Christian Communism at ng mga unang Muslim sa Madinah o Mu’akhat system na nagpakita ng tunay na pagbabahaginan ng ari-arian.
Mariing iginiit ng senador na siya ay laban sa karahasan. Nilinaw niyang hindi niya tinutukoy ang Marxist-Leninist at Maoist ideologies na isinulong nina Vladimir Lenin at Mao Zedong, na nagdulot ng mga armadong rebolusyon at malawakang karahasan sa mundo.
Ang kontrobersyal na pahayag ay unang nabitawan ni Padilla habang nagtatanong sa isang prosecution witness patungkol sa “Operation Romanov” sa ika-limang araw ng impeachment trial.
















