-- Advertisements --

Tiniyak ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar ang mabilis na aksiyon sa kaso ng mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Calbayog Mayor Ronaldo Aquino.

Ito’y matapos ihayag ng PNP Internal Affairs Service (IAS) na isunumite na nila ang kanilang rekomendasyon na sibakin sa serbisyo ang limang pulis na sangkot sa insidente.

Ayon kay Eleazar nasa Discipline Law and Order Division (DLOD) ng Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) ang kasong administratibo ng naturang mga pulis para I review, bago I-akyat sa kanyang tanggapan.

Una nang sinabi ni PNP IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo na batay sa resulta ng imbestigasyon ng IAS, ambush ang nangyaring pagpaslang sa alkalde at hindi shootout.

Kinilala ang mga pulis na sangkot sa pananambang na sina: PLtCol. Harry Sucayre, PLtCol. Shyrile Tan, PLt. Julio Armeza Jr. pawang taga PNP-IMEG; PSSg Neil Cebu ng EOD /K9, Samar PPO at PCPL Edsel Omega ng PDEU, Samar PPO.

Bukod kay Mayor Aquino, nasawi din sa insidente ang kanyang security escort na si SSgt Rodeo Sario at ang driver nito na si Dennis Abayon; gayundin ang dalawang kasamahan ng mga suspek na sina Capt. Joselito Tabada at SSgt Romeo Laoyan.