-- Advertisements --

Tinuligsa ni Senadora Risa Hontiveros ang Government Service Insurance System (GSIS) matapos nitong mag-invest ng lagpas ₱1 bilyon sa isang kilalang online gambling platform na DigiPlus.

Sa kanyang privilege speech sa plenaryo ng Senado, iginiit ng senadora na isinugal ng ahensya ang kinabukasan ng mahigit 2.7 milyong miyembro nito, sa kabila ng matinding pagtutol ng pamahalaan sa e-sabong at iba pang uri ng sugal online.

Giit ni Hontiveros, kung bawal sa mga empleyado ng gobyerno ang magsugal sa casino, bakit tila todo-taya ang GSIS gamit ang perang hinuhulog buwan-buwan ng mga miyembro?

Tila lumalabas, aniya, na may paulit-ulit na pattern ng pabaya at kuwestiyonableng mga desisyon sa pamumuhunan ang kasalukuyang pamunuan ng GSIS.

Ang mga panuntunang inilatag, aniya, ng Kongreso upang gabayan at protektahan ang mga pamumuhunan ng GSIS ay posibleng nilalabag.

Hindi lamang sa DigiPlus umano natigil ang kontrobersyal na pamumuhunan ng GSIS.

Ibinunyag ni Hontiveros na kabilang din sa mga “high-risk” investments nito ay ang ₱1.45 bilyong subscription deal sa Alternergy Holdings Corporation, na pinasok umano nang walang approval ng GSIS Board at walang endorsement mula sa risk oversight committees.

Bukod dito, ayon sa Annual Audit Report ng Commission on Audit noong 2023, nag-invest ang GSIS ng hanggang ₱2.38 bilyon sa tatlong kumpanyang wala umanong proven track record ng kita o dividend payout — taliwas sa GSIS Act.

Isiniwalat din nito ang patuloy na investment sa Del Monte Pacific, na may $2.3 bilyong utang at nakapagtala na umano ng ₱19.1 milyong paper loss sa bahagi ng GSIS.

Ang mga pamumuhunang ito ay may kabuuang ₱251.37 milyong valuation loss — salaping maaari umanong magbanta sa actuarial solvency ng pondo ng GSIS.

Dahil dito, nanawagan ang senadora sa Senado na repasuhin ang GSIS Law ukol sa investments bunsod ng sunod-sunod na anomaliya.

Ito, aniya, ay upang malinaw na mailatag ang mga guardrails para protektahan ang pondo ng mga kawani ng gobyerno.