Binatikos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura at flood control sa lungsod nang walang konsultasyon umano sa lokal na pamahalaan.
‘Tumigil na po kayo nang pagpapagawa ng hindi kayo nagkokonsulta sa lokal na pamahalaan lalo na sa ilog,’ ani Isko.
Ang pahayag ay matapos ang isinagwang press conference kasama ang ilang Metro Manila mayors at Korporasyon sa Pasig City ngayong araw ng Biyernes.
Tinukoy din ni Domagoso ang konstruksiyon ng ilang pumping stations, kabilang ang Sunog Apog facility sa Tondo, na hindi naging epektibo laban sa baha dahil umano sa kakulangan ng koordinasyon sa City Hall.
Ayon pa sa alkalde, kung may tamang koordinasyon aniya, maaring nabawasan ang pinsala ng baha at naagapan ang pagtaas ng kaso ng leptospirosis sa mga ospital ng lungsod.
Noong Martes, Agosto 5, kinondena rin ni Domagoso ang DPWH dahil sa planong pagsasara ng southbound lane ng Dimasalang Bridge nang walang paalam o permit mula sa pamahalaang lungsod. Naglabas siya ng cease-and-desist order at nagbantang kukumpiskahin ang kagamitan ng DPWH kung ipagpapatuloy ang proyekto nang walang pahintulot mula sa Lungsod.