Itinutulak ni Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform Chairman Senator Kiko Pangilinan ang pagpapalakas at pagpapalawak ng extension services ng Department of Agriculture (DA) upang direktang maabot ang mga magsasaka sa mga lalawigan.
Ayon sa senador, mayroon lamang regional offices ang DA, bagay na nagpapahirap sa mga magsasaka para makakuha ng sapat na suporta para sa kanilang mga anihan.
“Ang extension service ay mali at pag hindi nakaugnay yung DA sa lupa, parang tanim (na) hindi tutubo. Kailangan nakatutuok.” “Nais nating dagdagan ng extension service na programa hindi sa regional level. Dapat minimum hanggang probinsya,” sinabi ni Pangilinan.
Nagpunta rin ang senador sa Los Baños para sa isa pang diskusyon kasama ang isang kooperatiba ng mga magsasaka sa nayon.
Doon, muling itinulak ng senador ang pagpapalawak ng extension services ng DA sa mga probinsya.
Bukod sa pagoorganisa, sinabi ng senador na dapat makipagusap ang mga kooperatiba sa kanilang mga punong-bayan upang mahikayat sila na makipagugnayan sa mga alkalde sa Maynila na maaaring bumili ng direkta ng kanilang mga ani.
Sa ilalim ng Sagip Saka Act na naipasa noong 2019, ang nasyonal at lokal na gobyerno ay maaaring bumili ng direkta sa mga magsasaka at mangingisda nang hindi dadaan sa isang public bidding.