Ikinatuwa ng National Bureau of Investigation ang inilabas na hatol na ‘conviction’ ng Cagayan de Oro City Municipal Trial Court sa nahuling mastermind ng ilegal na kalakalan ng ‘nuclear materials’.
Sa desisyong inisyu ng naturang korte, nahatulang ‘guilty’ si Roy Cabesas Vistal sa kasong paglabag ng ‘Atomic Energy Regulatory and Liability Act of 1968’ o ang R.A. No. 5207 at sinentensyahan ng 1 taon pagkakakulong.
Ayon kay National Bureau of Investigation Director and Retired Judge Jaime B. Santiago, ang hatol na ito ay nagpapakita ng kolaborasyon at determinasyon ng pamahalaan para maprotektahan ang publiko sa anumang panganib o banta sa seguridad ng bansa.
Maaalalang ikinasa ng kawanihan noong nakaraang taon ang serye ng entrapment at hot pursuit operations kasama ang implementasyon ng mga ‘Search Warrants’ mahuli lamang ang naturang mastermind.
Sa pagkakaaresto kay Vistal at ilan pang mga kasama, narekober mula sa mga ito ang nasa 20 kilo ng metal bars at 6 kilograms ng black powder.
Nang ito’y isailalim sa pagsusuri o testing, napag-alamang ‘positive’ ito sa depleted Uranium-235 at Uranium-238.
Nasamsam rin ang nasa 20 hanggang 30 kilo ng contaminated at kasamang radioactive materials kabilang ang black pot with powder and soil na positibo rin sa Uranium-235 at Uranium-238.
Kasunod nito’y nasabat pa ang tinatayang 60-kilo ng block metals na nagpositibo sa depleted Uranium-235 at 238.
Buhat nito’y babala ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI) na ang ganitong mga uri ng ilegal na kalakalan ng ‘depleted uranium’ ay may kaakibat na panganib para sa seguridad ng bansa.
Kung ito anila’y mapapasakamay sa mga masasamang loob, maituturing ito na isang banta sapagkat anila’y feed material ang ‘depleted uranium’ para sa Plutonium.
Ang Plutonium ani pa nila ay kilalang materyal na gamit upang makabuo ng ‘nuclear weapon’ o ‘dirty bombs’ at maging ng radiation dispersal devices (RDDs).
Alinsunod rito, nanawagan si NBI Director Jaime Santiago sa Senado at Kamara na muling suriin at panibaguhin ang R.A. 5207 o ang ‘Atomic Energy Regulatory and Liability Act of 1968’.
Napapanahon na aniya na magpataw ng mas mabigat na parusa sa mga lumalabag sa naturang batas upang ipakita sa publiko ang seryosong banta sa panganib na daladala nito para sa kaligtasan ng mga mamamayan.