-- Advertisements --

Ikinagulat ni Atty. Barry Gutierrez ang mga kontrobersyal na pahayag ni dating Sen. Antonio Trillanes IV laban kay dating VP at kasalukuyang Naga City Mayor Leni Robredo.

Kabilang sa mga ibinunyag kamakailan ng dating senador ay ang umano’y hindi pagpabor ni Robredo na ipasakamay si dating Pang. Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Sinabi rin ni Trillanes na sina dating VP Leni at VP Sara Duterte ay magka-alyado at matalik na magkaibigan.

Ayon kay Gutierrez, sa kabila ng kanilang pagkakaibigan ng dating senador ay hindi niya alam kung saan nagmula ang lahat ng kaniyang mga kontrobersyal na pahayag gayong kilala siyang sumuporta sa kandidatura ng dating pangalawang pangulo.

Posible rin aniyang ang pinakalayunin ng dating senador ay upang suportahan ang kaniyang posisyon na hindi na dapat kumandidato pang muli si Robredo sa 2028 Presidential Elections.

Sa kabila nito, naniniwala si Gutierrez na hindi pinag-iisipan ni Robredo ang 2028 at sa halip ay naka-focus lamang siya sa kaniyang kasalukuyang trabaho bilang alkalde ng Naga City.

Ayon sa abogado, sa kasalukuyan ay hindi rin nagsasabi ng plano ang bagong alkalde, lalo at mahigit isang buwan pa lamang siyang nakaupo bilang bagong local chief executive.

Itinanggi rin ni Gutierrez na mayroong naging alyansa sina VP Sara at dating VP Leni noong 2022 elections.

Sa katunayan aniya, ang huling pagkikita nina Robredo at Duterte sa Naga City habang nasa kasagsagan ng Peñafrancia Festival ay posibleng ito ang una nilang personal na pagkikita makalipas ang mahaba-habang panahon mula noong naging pangalawang pangulo si Robredo.