-- Advertisements --

Inatasan ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang mga police regional directors na magsumite ng vaccination assistance plan.

Ito ay bilang paghahanda sa pagbabakuna ng mas marami pang mga indibidwal na kasama sa A4 priority group na inaasahang magsisimula sa susunod na buwan.

Pinatitiyak ni Eleazar sa mga chief of police at provincial commanders na makipag-ugnayan sa mga LGU sa pagpapatupad ng seguridad sa mga vaccination center sa inaasahang pagdagsa ng mga magpapabakuna.

Ayon sa PNP chief, mabuti na ang maagang paghahanda upang maiwasan ang katulad ng nangyari sa Paranaque.

Magugunitang nitong Lunes ay daan daang mga senior citizens ang nagdagsaan sa isang mall sa Paranaque para mabakunahan ng Pfizer vaccine, kung saan hindi nasunod ang physical distancing.

Samantala, pinaghahanda na rin ni Eleazar ang mga kampo ng PNP sa buong bansa para gawing vaccination sites.

Naniniwala kasi si PNP chief na ang mga kampo ng pulis ay magandang vaccination sites dahil ito ay maluwag at may open space akma para matiyak na masusunod ang social distaning.

Siniguro ni Eleazar ang tulong ng PNP sa vacination program ng gobyerno lalo na at kanila ng idi-deploy ang kanilang mga medical reserve force na siyang magiging vaccinators.

Nasa 2,000 medical personnel ng PNP Health Service ang tutulong para umasiste sa DOH sa pagbabakuna sa ating mga kababayan.