-- Advertisements --

Isinulong ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na muling balangkasin ang Quad Committee upang maipagpatuloy at palawakin ang imbestigasyon sa mga hindi nareresolbang kaso ng extrajudicial killings (EJK), ilegal na operasyon ng droga, offshore gaming hubs, at talamak na korapsyon na kinasasangkutan ng mga opisyal ng gobyerno at mga kriminal na sindikato.

Sa kanyang privilege speech nitong Lunes, hinimok ni Abant na muling nahalal bilang chairman ng Committee on Human Rights ang kanyang mga kasamahan na “stay the course” at tapusin ang nasimulan ng Kamara noong ika-19 na Kongreso, kung saan nadiskubre ng orihinal na Quad Comm ang matitinding ebidensya ng pang-aabuso, kawalan ng pananagutan, at pagkakasangkot ng estado.

Binigyang-diin niya na may tungkulin ang Kongreso na tapusin ang imbestigasyon, at sinabing “the process of reckoning is far from over.”

Nitong Miyerkules rin, naghain si Abante ng isang resolusyon na pormal na nagpapahintulot sa mga Komite sa Human Rights, Public Order and Safety, Dangerous Drugs, at Public Accounts na magsagawa ng panibagong pinagsamang imbestigasyon “to address emerging and unresolved issues” na lumitaw mula sa dating Quad Comm.

Ayon kay Abante, palalawakin pa ng bagong komite na tatawaging “Quad Comm 2.0” ang sakop ng imbestigasyon upang siyasatin ang “the persistent and systemic problems of criminality and criminal syndicates that have flourished across the years, often with the aid and protection of past and incumbent government officials.”

Binanggit din niya ang kaso ng mga “missing sabungeros,” na aniya’y maaaring masaklaw bilang mga kaso ng EJK.

Ipinunto rin ng mambabatas ang ilang tanong kaugnay ng naging epekto ng crackdown sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), na lumaganap at naging ugat ng iba’t ibang ilegal na gawain sa ilalim ng nakaraang administrasyon.

Binanggit pa ni Abante na ang naging trabaho ng Quad Comm noong nakaraang Kongreso ay nagbunga ng paghahain ng mga mahahalagang panukala gaya ng Anti-Extrajudicial Killing Act at Civil Forfeiture Act, na aniya’y mahalaga upang sugpuin ang impunity at mabawi ang mga yaman na nakamkam mula sa mga abusado sa gobyerno.

Tinapos ni Abante ang kanyang talumpati sa isang personal na pananalita, kung saan sinabi niyang maaaring ito na ang kanyang huling termino sa Kongreso, at nais niyang maalala bilang isang lider na lumaban para sa tama.