-- Advertisements --

Positibo ang pagtanggap ng ilang grupo ng mga magsasaka sa plano ng Department of Agriculture (DA) na taasan o ibalik ang dating taripang ipinapataw sa mga inaangkat na bigas.

Kahapon (Aug 4) nang kinumpirma ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang naturang plano habang sinasamahan niya si Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa ilang nakatakdang pulong sa India.

bahagi ng naturang plano ay ang i-angat ang kasalukuyang 15% na taripa patungong 25% para sa unang tranche. Pagkatapos ng tatlong buwan, posibleng itaas muli ito sa 35%.

Ayon sa Federation of Free Farmers (FFF), malaking tulong sa local farmers ang naturnag plano dahil mapoprotektahan na ang mga ito mula sa malaking bulto ng imported rice na bumabaha ngayon sa mga merkadao mula noong ibinagsak ang taripa sa 15%.

Ayon kay FFF National Manager Raul Montemayor, sa wakas ay tinanggap din ng DA na mayroong problema sa rice importation, na dapat sana’y matagal na nilang inaksyunan.

Tinukoy ni Montemayor ang kasalukuyang napakababang farmgate price sa mga kanayunan, dahilan ng labis na pagkalugi ng mga magsasaka. Halos hindi na aniya kayang makipag-kumpetinsya ang local rice sa mga imported rice na labis na bumabaha sa bansa.

Naniniwala rin ang grupo na ang tuluyang pagtaas sa taripa ng imported rice ay hindi magdudulot ng pagtaas ng presyo ng bigas sa mga merkado, lalo na kung mananatiling mataas ang loca production at mataas ang suporta ng pamahalaan sa mga magsasaka.

Nais ng grupo na ipatupad na ang naturang plano sa lalong madaling panahon, upang mapigilan ang lalo pang pagkalugi ng mga magsasaka at ng pamahalaaan sa kabuuan.