Kinaltasan ng halos P72 billion ang pondong ilalaan para sa mga flood control project sa 2026, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Mula sa kasalukuyang P346.6 billion, aabot lamang sa P274.9 billion ang panukalang pondo para sa 2026.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, kasalukuyan pa ring nirerepaso ang panukalang pondo para sa mga naturang proyekto at posibleng maglalaan pa ng karagdagang pondo kung labis itong kinakailangan. Kailangan lamang aniyang matukoy ng husto ang proyekto at mayroong maipresentang akmang plano.
Ayon pa kay Pangandaman, posibleng babalik din sa halos kaparehong halaga tulad ngayong taon.
Sa kasalukuyan kasi ay pinag-aaralan pa ang ibang mga proyekto at kailangang higpitan ang pagrepaso sa mga ito upang masigurong may mapupuntahan ang malaking pondong ilalaan.
Nitong nakalipas na lingo, ipinasakamay na rin aniya ng DBM ang kumpletong listahan ng mga flood control project sa buong bansa na tinatayang may pondong aabot sa mahigit P346 billion.
Sa kasalukuyan, isinasapinal pa rin aniya ang naturang pondo.