-- Advertisements --

Target ng Department of Budget and Management (DBM) na magkaroon ng unified master plan para sa pangmatagalang solusyon sa paulit-ulit na problema ng pagbaha sa bansa.

Ito ay kasunod ng malawakang pagbaha na nagresulta sa pagka-displace ng milyong mga Pilipino noong Hulyo bunsod ng magkakasunod na tumamang kalamidad.

Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, isang pangunahing prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang flood control.

Kayat kailangan umano ng consolidated plan lalo na sa Metro Manila, kung saan makikipagtulungan sa mga lokal na pamahalan na may kakayahang pondohan ang mga proyekto.

Ilan sa nais ipasumite ng DBM ay ang isang menu o listahan ng mga posibleng solusyon dahil hindi umano iisa lang ang epektibong paraan para sa lahat ng lugar. Kasama sa plano ang pagtatayo ng dam sa Marikina River, proteksyon sa baybayin ng Laguna de Bay, modernisasyon ng pumping stations, at pagpapabuti ng maagang babala at koordinasyon ng mga ahensya.

Bahagi ng proyekto ang pag-upgrade ng 36 na lumang pumping stations, pagtatayo ng 20 karagdagang pumping stations, at iba pang imprastraktura sa pangunahing daluyan ng tubig para maiwasan ang pagbaha.