Inatasan na ni PNP (Philippine National Police) chief Gen. Guillermo Eleazar ang Committee on Dismissed Drug Cases ng Southern Police District na rebyuhin muli ang kasong illegal drugs na isinampa laban sa rapper na si Looney.

Ito’y matapos binasura ng Makati Regional Trial Court 64 ang drug charges laban kay Looney o Marlon Peroramas sa totoong buhay dahil sa hindi pagsunod ng mga pulis sa tinatawag na chain of custody rule.

Nanawagan din ito kay PNP chief na imbestigahan ang mga pulis na umano’y nagtanim ng droga sa kanila.

Sa pahayag ni Eleazar, kaniya nang pinaiimbestigahan ang nasabing alegasyon at siniguro na kung mapatunayang may pagkakamali ang mga pulis ay mananagot ang mga ito.

“Kasama sa inutos kong imbestigasyon ay ang pagtutok sa lahat ng aspeto kung bakit na-dismiss ang kaso laban sa rapper na si Looney at ang kaniyang kasamahan. Maliwanag na na-dismiss ang kaso dahil sa teknikalidad sa isyu ng rules on chain of custody at ito ang gusto nating tutukan upang hindi na maulit pa,” wika pa ni Eleazar.

Paliwanag naman ng PNP chief, ang Committee on Dismissed Drug Cases ang siyang mag-e-evaluate sa mga dismissed cases kabilang dito ang misconduct or irregularities na nagawa ng mga operatiba noong isinagawa ang operasyon.

Binigyang-diin pa nito na ang lahat ng kanilang mga ginagawang hakbang ay bahagi sa ipinapatupad nilang reporma sa PNP alinsunod sa inilunsad nitong Intensified Cleanliness Policy.

Giit ni Eleazar, hindi lang ang buong kapulisan ang makikinabang kundi maging ang mga kababayan natin.

Una rito, sinabi ni Eleazar na nirerebyu na rin ng PNP ang protocols para matiyak na ang rule on chain custody ay istriktong sinusunod sa bawat police operations.