Itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang mga ulat ng destabilisasyon laban sa administrasyon, at sinabing ang kasalukuyang gobyerno ay “insecure” sa boses ng mamamayan.
Sa press briefing sa Zamboanga, sinabi ng Bise Presidente na walang nagaganap na destabilisasyon at usap-usapan lamang ito.
Aniya, bukam-bibig umano ng administrasyon ang salitang destabilisasyon dahil sila mismo ang kinakabahan.
Pinabulaanan din niya ang mga tsismis na may mga pagpupulong para pabagsakin ang gobyerno, ngunit saad ni VP Sara na kung meron man, ito ay ang Makabayan bloc, na umano’y gustong agawin ang kapangyarihan.
Bumuwelta naman dito si Bayan Chairperson Teodoro Casiño, at sinabing maling tawaging “destabilizer” ang mga naghahanap ng pananagutan sa katiwalian.
Giit niya, layunin ng Makabayan na baguhin ang tiwaling sistema at hindi pabagsakin ito.
Matatandaan, nag-ugat ang isyu ng destabilisasyon sa malawakang protesta kontra korapsiyon noong Setyembre 21, kung saan nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga raliyista at pulis malapit sa Malacañang.