Hinimok ni Sen. Richard Gordon ang Malacanang na unahin munang i-convene ang National Security Council (NSC) para sa isyu ng posibleng repatriation ng overseas Filipino workers (OFWs), bago pa man ang pagpapatawag ng special session ng Kamara at Senado.
Ayon kay Gordon, mahalagang mabuo muna ng NSC ang plano para sa Pinoy workers, para hindi na ito maging mahabang debate pagdating sa dalawang kapulungan ng Kongreso.
“I strongly suggest the President to call the National Security Council (NSC) right away,” wika ni Gordon.
Maging sa panig ng ibang senador ay atubili umanong sumang-ayon sa hakbang ng gobyerno kung ang mismong detalye ng nais mangyari ng gobyerno ay hindi pa rin malinaw.
Tiniyak naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na agad silang magdaraos ng special session para sa supplemental budget na gagamitin sa pagpapauwi sa ating mga kababayan sa Middle East.
Naghihintay lang umano sila na hilingin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang aksyon ng lehislatura sa isyung ito.
“If ever the President will request for a special session for the need to pass a supplemental budget to help repatriate our kababayans from the Middle East, we in the Senate are prepared to act on his request and can meet at any time in the interest of our OFWs,” pahayag ni Zubiri.
Maliban sa paglikas, nais ni Sen. Francis Tolentino na bumuo rin ng plano kung paanong mabibigyan ng tulong ang mga maaapektuhang manggagawa.