-- Advertisements --

Suportado ng Pilipinas ang two-state solution na kapwa naaayon para sa Israel at Palestine.

Pahayag ito ni Palace Press Officer Usec Claire Castro, kasunod ng sinabi ni Palestinian Ambassador to the Philippines Mounir Anastas na panahon na upang mag-apply ng pressure ang Pilipinas sa Israel upang maresolba na ang humanitarian crisis sa Gaza. 

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Usec Castro na kaisa ng Pilipinas ng buong mundo, sa panawagan, para sa mapayapang pagco-coexist ng Palestine at Israel, at pag-kilala sa kapwa borders ng isa’t isa. 

Suportado rin aniya ng bansa ang pangmatagalan at komprehensibong kapayapaan sa Middle East, alinsunod sa UN Charter at relevant UN Security Council resolutions. 

Dahil dito, patuloy aniya ang panawagan ng administrasyon na tiyakin na hindi mahahadlangan ang anomang tulong para sa mga mamamayan ng Palestine. 

Kaugnay naman sa panawagan ng ambahador na mag-apply ng pressure ang bansa sa Israel, mas angkop aniyang manggaling ang tugon ng bansa, mula sa Department of Foreign Affairs (DFA).