-- Advertisements --

Lalo pang lumakas ang piso kontra dolyar sa pagsasara ng trading kahapon matapos igiit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na dapat ipasa ang 2021 proposed national budget “on-time” sa kabila ng girian sa liderato ng Kamara.

Nagsara kahapon sa P48.305 kada dolyar mula sa P48.355 noong Huwebes.

Ito na ang pinakalamakas na peso performance sa loob ng halos apat na taon o noong Oktubre 24, 2016.

Kasabay ng pagpapatawag ng special session sa Kongreso sa Oktubre 13 hanggang 16, sinertipikahang urgent na rin ni Pangulong Duterte ang 2021 national budget bill.

Kapag certified as urgent, maaari ng hindi sundin ng Kongreso ang three-day rule at ipapasa na ito sa third reading matapos pumasa sa second reading.

Ginawa ni Pangulong Duterte ang pagpapatawag ng special session tatlong araw matapos suspendihin ni Speaker Alan Peter Cayetano ang sesyon ng Kamara hanggang Nobyembre 16 kahit hindi pa ipinapasa ng Lower House ang kanilang final version ng General Appropriations Bill.

Dahil sa ginawa ni Speaker Cayetano, nagpahayag ng pagkabahala ang ilang senador na posibleng hindi maipasa ang national budget bago matapos ang taon at mauwi sa re-enacted budget.