-- Advertisements --

Nais ng Department of Health (DOH) na matuto mula sa sistema ng pampublikong kalusugan ng India upang mapabuti ang serbisyong medikal sa Pilipinas, ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa.

Ibinahagi ni Herbosa ang hangaring ito matapos ang pakikipagpulong ni Indian Health Minister Jagat Prakash Nadda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa New Delhi, India kasama ang ilang miyembro ng Gabinete, kabilang na si Herbosa.

Pinuri ng kalihim ang paggamit ng India sa Accredited Social Health Activists (ASHAs) na kahalintulad umano ng mga barangay health workers sa Pilipinas, at ang paggamit ng telemedicine upang mapalawak ang abot ng serbisyong medikal.

Ipinagmalaki rin ni Herbosa ang pagpirma ng Memorandum of Understanding sa pagitan ng National Institute of Ayurveda Medicine ng India at Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care (PITAHC).

Tinalakay rin ng dalawang opisyal ang pagdami ng mga Indian medical students na pumupunta sa Pilipinas upang mag-aral ng liver transplant procedures.

‘Sana makakuha tayo ng maraming lessons from them to improve the health system of the Philippines,’ ani Herbosa.