Tiniyak ng Department of Agriculture ang buong suporta sa ganap na implementasyon ng Sagip Saka program.
Nilalayon ng programa na bilihin ng direkta ang mga national at local institution ng agricultural goods mula sa mga lokal na magsasaka.
Ginawa ni DA Asec. Arnel de Mesa ang naturang pahayag sa isang panayam ngayong araw at sinabing malaki ang maitutulong ng naturang batas.
Ayon kay de Mesa, layunin ng Sagip Saka Act na pahintulutan ang mga institusyong nasyonal at lokal na direktang bumili ng mga pangangailangan, lalo na ng mga produktong agrikultural, mula sa mga magsasaka.
Nakasaad sa batas na maaaring gawin ang negotiated procurement o community participation upang mapabilis ang pagbili at hindi na kailangang dumaan sa mahirap na proseso.
Dahil dito, patuloy na inirerekomenda at pinalalawak ng kagawaran ang hakbang na ito upang mas maraming institusyon ang sumuporta at mas maraming magsasaka ang makinabang.