Nasa stable condition na ang overseas Filipino worker (OFW) na si Rhodora Alcaraz Tuñacao na nagsalba sa tatlong buwang sanggol habang nasusunog ang high-rise building sa Wang Fuk Court housing complex sa Tai Po district, Hong Kong noong Nobiyembre 26.
Kinumpirma ito ni Philippine Consul General Romulo Victor Israel Jr. sa Hong Kong.
Itinuturing na isang makabagong bayani ang Pinay dahil sa ipinamalas niya para mailigtas ang sanggol sa pamamagitan ng pagyakap at pagprotekta sa kaniya mula sa matinding usok at sunog sa loob ng ilang oras bago sila tuluyang makita ng rescuer kasama ang ina ng sanggol.
Nakaligtas silang tatlo mula sa sunog, subalit dinala ang Pinay worker sa intensive care unit matapos maging kritikal ang kaniyang kalagayan, subalit nitong weekend ay bumuti na ang kaniyang kondisyon at stable na ngayon ang kaniyang vital signs.
Ayon sa Consul General, nang bisitahin nila ang Pinay worker nagawa na niyang ibukas ang kaniyang mga mata at nag-thumbs up sa kanila. Natanggal na rin ang tubo at nagagawa na niyang makapagsalita ng kaunti.
Inalala din ng Pinay ang mga nangyari nang sumiklab ang sunog. Kinamusta din ng Pinay ang kalagayan ng sanggol, na nagpapakita kung gaano magmalasakit ang mga Pilipino.
Samantala, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), sumasailalim na ang Pinay sa proper treatment at tiniyak na makakatanggap ng lahat ng kinakailangan niyang tulong mula sa gobyerno ng Pilipinas.
















