-- Advertisements --
MGEN RAMOS

Inirekomenda ng Special Investigation Task Group (SITG) Bell 429 na pinamumunuan ni PNP Deputy Chief for Administration PLt. Gen. Guillermo Eleazar na sampahan ng kasong kriminal at administratibo ang pilot-in-command ng bumagsak na helicopter sa San Pedro Laguna noong March 5 kung saan lulan nuon si dating PNP chief Archie Gamboa.

Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Ysmael Yu na base sa findings ng SITG, airworthy at walang problema sa makina ang chopper, at nagkaroon ng lapses sa panig ng piloto na naging sanhi ng pagbagsak ng chopper.

Dahil dito, sinabi ni Yu na sinampahan na ng administratibong kaso na Grave Misconduct (Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injuries, Multiple Less Serious Physical Injuries and Damages to Property under Article 365 of the Revised Penal Code) ang Pilot-In-Command sa Internal Affairs Service nitong September 2020 na si Lt Col. Roel Zalatar.

Ayon pa kay Col. Yu, ang posibleng kriminal na kaso ay nire-review pa sa tanggapan ni PNP Chief PGen. Camilo Pancratius Cascolan.

May rekumendasyon din ang SITG Bell 429 na mga safety measures para maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Nagpa-abot ng pakikiramay ang buong PNP sa pagpanaw kaninang madaling araw matapos ang pitong buwang pagka-comatose ni dating PNP Comptroller PMGen. Joevic Ramos, na isa sa mga sakay ng naturang chopper.