-- Advertisements --

Binalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga tiwaling opisyal at indibidwal na aniya’y patuloy na umaabuso sa kapangyarihan. 

Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos pangunahan ang paggunita ng National Heroes day sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.

Ayon sa Pangulo, ang katiwalian ay hindi lamang pagnanakaw ng salapi ng bayan, kundi pagkitil din sa kinabukasan ng mga kabataan at pagyurak sa pangarap ng sambayanan.

Iginiit ng Pangulo na hindi dapat ipagwalang-bahala ang maliliit na uri ng panlilinlang dahil ito’y unti-unting sumisira sa lipunan kapag paulit-ulit na pinapalampas. 

Aniya, ang laban kontra katiwalian ay hindi lamang laban ng pamahalaan kundi ng bawat mamamayan.

Nanawagan din si Marcos na sama-samang labanan ang pang-aabuso sa tungkulin at paglabag sa karapatan ng mamamayan. 

Kasabay nito, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng paggabay sa kabataan upang maging mulat sila sa mga isyung panlipunan. 

Idinagdag pa ni Pangulong Marcos na hindi titigil ang pamahalaan hangga’t mayroong mga tiwaling elemento na bumabaluktot sa hustisya at nagwawalang-bahala sa kapakanan ng taumbayan.