-- Advertisements --

Inilabas ni Batangas Rep. Leandro Leviste ang natanggap niyang kopya ng 2025 DPWH Budget per District Summary file mula sa yumaong si Undersecretary Catalina Cabral.

Ayon sa dokumento, ang nakasaad na “NEP RESTORED” ay tumutukoy sa “Allocable” budget, ang taunang alokasyon na maaaring ipamahagi ng bawat District Congressman. Ang kabuuang halaga nito ay P401.3 bilyon, na nadagdagan ng P30 milyon kada distrito sa 2025, bagama’t nagkakaiba ang eksaktong budget ng bawat distrito.

Ipinaliwanag ni Leviste na bukod dito, mayroong “Outside Allocable” na inilalaan ng iba’t ibang proponents. Kasama rito ang mga amendments o insertions mula sa House, Senate, Bicameral Conference Committee, at maging sa NEP.

Dahil dito, umabot sa P1.041 trilyon ang “TOTAL BUDGET” sa FY 2025 GAA.

Binigyang-diin niya na ang mga pondong ito ay ginagamit ng DPWH para sa mga proyekto at hindi para sa mga proponents mismo. Karamihan ng budget ay nasa labas ng “Allocable” ng District Congressmen at pinamamahalaan ng iba pang proponents.

Ayon kay Leviste, mahalagang malaman ng publiko ang nilalaman ng DPWH budget upang maipagmalaki ang mga proyektong naipapatupad.

Muli niyang nilinaw na bagama’t nakasulat sa dokumento ang pangalan ng District Representatives, hindi sila ang pangunahing proponent ng buong budget.

Ang kabuuang “Allocable” para sa District Representatives ay P401.3 bilyon, samantalang ang mas malaking bahagi ng P1.041 trilyon ay nasa “Outside Allocable.”

Dagdag pa ni Leviste, nakapagbigay na siya ng kopya ng dokumento sa media para sa kaalaman ng publiko.

Umaasa siya na hindi magagalit ang kanyang mga kasamahan, at binanggit na mayroon ding ibang sources hinggil sa DPWH budget.