Pinag-aaralan ngayon ng Pilipinas at United States ang posibilidad na magkaroon ng kasunduan para palawakin ang nursing industry ng dalawang bansa na lubhang naapektuhan ng Covid-19 pandemic.
Para kay Pang. Ferdinand Marcos Jr., wala siyang nakikitang problema sa nasabing panukala na palakasin ang nursing industry sa Pilipinas lalo at nahaharap sa kakulangan ng mga nurses kung saan ang iba ay nais na magtrabaho sa ibang bansa dahil sa mataas na sahod.
Gayunpaman, inihayag ng Chief Executive na kailangan ng masinsinang pag-aaral na gagawin ng gobyerno hinggil sa nasabing panukala bago pa man ito maglabas ng desisyon.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag ng mag courtesy call kahapon sa Malakanyang si US Senator Tammy Duckworth.
Inihayag ni Sen. Duckworth kay Pang. Marcos na pinag-aaralan din ngayon ng US government ang posibilidad na magpadala ng American nursing students sa Pilipinas at kaniyang binigyang-diin na ang mga Filipino nurses ay kayang maipasa ang licensure examination para sa nursing sa Amerika.
Inihayag ng US senator na mas marami ang kanilang nursing students kumpara sa nursing educators.
“You know, it would be really interesting to see if we could send American students to nursing schools in the Philippines because, obviously, you’re teaching to a standard that they can meet licensure in the US. But we don’t have enough nursing programs in the United States,” pahayag ni Duckworth.
Kapwa naniniwala sina Pang. Marcos at Sen. Duckworth na ang nasabing panukala ay magkakaroon ng magandang advantage para sa Pilipinas at Amerika at lalong magpapalakas sa ugnayan ng dalawang bansa.
Muling pinagtibay ng dalawang opisyal ang partnership ng Pilipinas at US.
Binanggit din ni Duckworth kay Pang. Marcos na maari din mag collaborate ang US at Pilipinas sa production ng electronic vehicle batteries para makamit ang malaking demand sa American market.