Nanindigan si Sen. Sherwin Gatchalian na hindi sapat ang pagtanggal ng mga e-wallet firm sa e-gambling links na nakakunekta sa mga ito, salig sa naging kautusan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Bagaman aminado ang senador na makakatulong ito upang mabawasan ang mga nalululong at naglalaro ng e-gambling, kailangan pa aniya ng mas mabigat na paraan upang ma-regulate ang online na pagsusugal.
Katwiran ng senador, hindi pa buong natanggal ang link o connection sa pagitan ng mga e-wallet at ng mga e-gambling apps.
Aniya, maaari pa ring i-konekta ng mga bettor o mananaya ang kanilang e-wallet at savings account sa mismong gambling apps, gamit ang mga computer, upang makapaglaan ng taya.
Ang tanging natanggal aniya dito ay ang In-App capability o ang agarang koneksyon ng mga e-wallet sa mga gambling sites na makikita mismo sa mga e-wallet sites.
Kailangan aniyang matigil dito ang pagkakagamit sa mga e-wallet sa pagtaya, at mapigilan ang labis na pagkaka-abuso sa mga ito sa electronic gambling operations.
Mayroong hanggang mamayang alas-8 ng gabi (Aug. 16) ang bawat e-wallet firm upang mag-diskunekta sa mga e-gambling link, batay sa naunang kautusan ng BSP.
Ilang firm na rin ang nangakong tatalima sa naturang kautusan.