Nahaharap ngayon ang dating executive secretary ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na si Atty. Vic Rodriguez sa isang ‘disbarment case’.
Naghain sa Korte Suprema ng reklamong ‘disbarment’ ang law student na si Jason Binay Suarez, kaanak ni former Vice President Jejomar Binay kontra kay Atty. Rodriguez.
Kanyang sinabi na ito’y dahil sa may nilabag umanong panuntunan ang naturang abogado kaugnay sa libro nitong isinulat na ‘Kingmaker: The Hard Copy’.
Ayon sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Jason Binay Suarez, kanyang ibinahagi na hindi raw naaayon sa CPRA o Code of Professional Responsibility and Accountability ang ginawa ni Atty. Vic Rodriguez.
Habang bunsod nito’y binigyang linaw niya na ang paghahain ng disbarment laban kay Atty. Vic Rodriguez ay walang halong pamumulitika.
Kanyang pinabulaan na ito’y patungkol lamang sa naturang abogado kundi aniya’y nakasentro ang reklamo sa tiwalang ibinibigay ng mga kliyente sa kanilang mga abogado.
Ito naman ay sinagot ni Atty. Vic Rodriguez at sinabing hindi umano aniya ito magiging dahilan upang siya’y mapatahimik at mapigilan para maging kritiko ng administrasyon.
Kaya’t iginiit ni Jason Sarez na walang ganitong intensyon siya sa kanyang paghahain ng ‘disbarment complaint’ sa Korte Suprema.