Sa kabila ng isinusulong ng ilang mambabatas na total ban sa online gambling, bukas si Senate Committee on Games and Amusement Chair, Sen. Erwin Tulfo na magkaroon ng mas mahigpit na regulasyon laban dito.
Ayon sa senador, mangangailangan ng executive authority ang total ban habang wala pang batas na magbabawal sa online gambling, kasama na ang pagkakagamit sa mga e-wallet sa betting process.
Dahil dito, mainam aniya na agad makagawa ng restriction sa sistema ng online gambling upang mapigilan ang labis na pagkaka-abuso rito, na tuluyang humahantong sa pagkakabaon sa utang. Ang mas mahigpit na restriction aniya, ay maaari lamang ipatupad ng mga gaming regulator sa bansa.
Kabilang dito ang limitadong oras ng paglalaro para sa lahat ng gambling platform. Dito ay maaari aniyang irekomenda ang ilang oras lamang na paglalaro tulad ng alas-6 ng gabi hanggang alas-12 ng hatinggabi, hindi tulad ng kasalukuyang 24/7
Maaari rin aniyang pigilan ang mga e-wallet na magamit sa pagpapadala ng mga winnigs o napanalunan.
Dapat din aniyang limitahan ang paraan ng pagkakagamit sa mga e-wallet hindi lamang sa pagtaya sa mga sugal kungdi maging sa diretsahang pagkakautang kung naubos na ang laman ng account.
Paliwanag ni Tulfo, may option ang bawat mananaya na makapag-utang kung pipiliin, at labis na naaabuso ang mga e-wallet sa ganitong sistema.
Maaari rin aniyang ilimita lamang ang online na sugal sa mga accredited play stattion sa limitadong oras, at hindi ito basta payagan sa lahat ng mga may hawak na cellphone.
Ayon kay Tulfo, ilan lamang ang mga ito sa maaaring ipatupad ng mga regulator upang hindi labis na maabuso ang online gambling.
Samantala, matatapos na mamayang alas-8 ng gabi (Aug. 16) ang palugit na inilaan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa mga e-wallet firm para tuluyang tanggalin o magdiskunekta sa mga e-gambling link.