Kinumpirma ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na ginawaran na ng FIBA (International Basketball Federation) ng local status si University of the Philippines center/forward Quentin Millora-Brown.
Ayon sa SBP, siya ay kikilalanin na bilang local player sa ilalim ng FIBA Management and Administration Platform (MAP).
Si Quentin Millora-Brown, na kilala sa kaniyang monicker na QMB, ay bahagi ng 2024 UAAP men’s basketball team na nag-uwi ng championship matapos talunin ang La Salle three-game Final series.
Nagsilbi rin siyang reinforcement para sa Gilas Pilipinas nang hinarap nito ang Macau Black Bears, isang araw bago bumiyahe ang koponan papuntang Saudi Arabia para sa 2025 FIBA Asia Cup.
Sa naturang laban, nagbulsa si QMB ng anim na puntos at pitong rebounds at tumulong sa Gilas upang iposte ang 5-point win laban sa Chinese team.
Dahil sa paggawad ng local status, maaari nang makasama ng Gilas Pilipinas ang 25-anyos na forward sa mga susunod na sasalihan nitong laban.
Ikinatuwa naman ni SBP president Al Panlilio ang bagong desisyon ng FIBA.
Ayon sa basketball executive, ang size at skill ni QMB ay tiyak na makapagbibigay ng positibo at malaking impact sa Gilas Pilipinas, sa mga susunod nitong sasalihang laban.