-- Advertisements --

Hindi na madaanan ng anumang uri ng sasakyan ang Piggatan Bridge sa Alcala, Cagayan matapos itong bumagsak nitong Lunes, Oktubre 6, 2025.

Ayon sa inisyal na ulat mula sa Alcala Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), bumigay ang tulay habang may ilang trucks na kasalukuyang tumatawid.

Kasalukuyan pang isinasagawa ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng pagbagsak at kung may nasaktan sa insidente.

Wala pang opisyal na bilang ng mga posibleng biktima, ngunit patuloy ang monitoring ng lokal na pamahalaan at mga awtoridad sa lugar.

Ang Piggatan Bridge ay isa sa mga pangunahing daanan sa Alcala na nag-uugnay sa mga kalapit-bayan sa Cagayan Valley.

Matagal nang isinusulong ang rehabilitasyon ng ilang tulay sa rehiyon dahil sa kalumaan ng mga istruktura at epekto ng mga kalamidad.

Bago ang insidenteng ito, una nang bumagsak ang Cabagan Bridge sa Isabela, na nagdulot ng matinding abala sa transportasyon at kalakalan sa rehiyon.

Ang sunod-sunod na pagbagsak ng mga tulay ay nagdudulot ng pangamba sa publiko hinggil sa kaligtasan ng mga imprastruktura sa hilagang Luzon.

Nagpadala na ng mga heavy equipment ang Alcala LGU upang magsagawa ng clearing operations at assessment.