-- Advertisements --
Duque

Aminado si Department of Health (DoH) Sec. Francisco Duque III na hindi maaabot ang herd immunity sa target nilang timeline o sa katapusan ng taong kasalukuyan dahil pa rin sa pandemyang dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa budget hearing at the House committee on appropriations sinabi ng kalihim pa posibleng sa unang quarter pa ng 2022 makakamit ang herd immunity.

Posible raw itong mangyari sa Pebrero sa susunod na taon kung ang mababakunahan sa kada araw ay papalo na sa 500,000 o 600,000 doses.

Kampante ang kalihim na ang spill over ng herd immunity ay magsisimula sa unang quarter lalo na kapag marami nang bakuna ang mabibili ng pamahalaan.

Aniya, ang iniulat daw ng Department of Finance sa Office of the President na nasa 195 million vaccine doses ang inaasahang dadating sa bansa hanggang sa katapusan ng taong 2021.

Dahil dito, kampante ang kalihim na sosobra pa ang mababakunahan sa target nilang 77 million na mga Pinoy para maabot ang herd immunity.

Ang herd immunity ay isang konsepto ng vaccination kung saan, ang virus ay hindi na mabilis na kakalat sa maraming populasyon dahil immune na ang mga ito sa naturang sakit.