-- Advertisements --

Iniutos na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Philippine Consul General sa Sydney na agad na subaybayan at alamin kung mayroon bang Pilipinong nadamay o naapektuhan sa naganap na mass shooting sa isang Jewish event sa Bondi Beach, Australia.

Ito ay upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino sa lugar.

Ayon kay Foreign Affairs Spokesperson Angelica Escalona, ang DFA ay patuloy na nakikipag-ugnayan at koordinasyon sa pamahalaan ng Australia upang malaman kung mayroong Pilipinong nasugatan, nasawi, o kaya’y nadamay sa malagim na insidente ng mass shooting.

Ang DFA ay naghihintay ng opisyal na impormasyon mula sa mga awtoridad sa Australia hinggil sa mga biktima ng insidente.

Batay sa pinakahuling datos at impormasyon na nakuha mula sa mga awtoridad ng Australia sa kasalukuyang oras, wala pang Pilipinong naiulat na nasugatan o nasawi sa naganap na mass shooting.

Dagdag pa ni Escalona, ang Konsulado ng Pilipinas sa Sydney ay patuloy na nagsasagawa ng monitoring at pag-alalay sa ating mga kababayan doon.

Tinitiyak ng Konsulado na walang Pilipinong nadamay sa nasabing insidente at handang magbigay ng tulong at suporta kung kinakailangan.

Nananawagan rin ang ahensya sa mga Pilipino sa Sydney na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga payo ng mga lokal na awtoridad.