-- Advertisements --

Pumanaw na si Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop.

Ito ang kinumpirma ni Deputy Speaker Ronaldo Puno na longtime friend ni Acop.

Sinabi ni Puno ang pagpanaw ni Acop ay nagdulot ng matinding pagdadalamhati sa Kongreso at sa buong bansa.

Sa mensahe na ipinadala ni Rep. Puno sa Bombo Radyo si Acop ay sumailalim sa isang matagumpay na kidney transplant noong Nobyembre 28 at maayos na ang kanyang kondisyon matapos ang operasyon.

Siya ay nagpapagaling na at muling nakakabangon, dahilan upang maging positibo ang kanyang mga kasamahan at umaasang makababalik siya sa kanyang tungkulin sa lalong madaling panahon.

Gayunman, bigla umanong inatake sa puso si Rep. Acop na naging sanhi ng kanyang pagpanaw.

Ang biglaang pangyayari ay ikinagulat at ikinalungkot ng kanyang pamilya, mga kaibigan, at kapwa lingkod-bayan.

Ibinahagi ni Deputy Speaker Puno na mahigit 25 taon niyang nakasama at nakatrabaho si Acop, na kanyang inilarawan bilang isang tapat, matapang, at marangal na lingkod-bayan na buong pusong naglingkod sa mamamayang Pilipino.

Dagdag pa niya, malaking kawalan para sa Kongreso at sa bansa ang pagkawala ni Rep. Acop, lalo na sa gitna ng kanyang patuloy na pagseserbisyo at mga adbokasiya para sa kaayusan at kapakanan ng mamamayan.

” Sadly, he has really passed on. Our hearts are broken. He was a friend for more than 25 years and a devoted, courageous, HONEST public servant. The Congress and our Country are the lesser for his loss,” mensahe ni Rep. Puno na ipinadala sa Bombo Radyo.