-- Advertisements --

Handa na ang Pilipinas na simulan ang COVID-19 vaccination drive para sa mga batang edad lima hanggang 11 simula bukas, Lunes, Pebrero 7.

Ayon kay DOH Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) Chairperson Myrna Cabotaje, naipamahagi na ang Pfizer-BioNTech vaccines sa iba’t ibang pediatric vaccination sites.

Ang mga bakunang ito ay age-appropriate at binigyan ng emergency use authority ng Philippine Food and Drug Administration kaya sigurado aniya pagdating sa safety at efficacy nito.

Nauna nang nagpahayag ng kanilang suporta para rito ang Philippine Pediatric Society at Pediatric Infectious Disease Society of the Philippines.

Sa isang joint statement, sinabi ng dalawang grupo na ang mga batang tamaan ng COVID-19 ay maaring makaranas ng “serious consequence” kung sakali.

Kaya mahalaga anila na mabakunahan din ang mga batang ito laban sa COVID-19.