Nag-deploy na ang Philippine Army ng satellite communications sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette hanggang sa nawalan ng regular na cellphone at internet service.
Ayon kay Philippine Army commanding general M/Gen. Romeo Brawner, nakapag-deploy na sila ng satellite phone at VSAT (very small aperature terminal) sa headquarters ng Western Command sa Puerto Princesa, Palawan, at tatlong VSAT sa Visayas Command (VISCOM).
Ang isang VSAT sa Mactan airbase ay nagagamit na para sa internet connection, habang ang dalawang VSAT sa VISMIN headquarters sa Lahug, Cebu City ay naitayo na kahapon.
Bukod pa ito sa mga regular na satellite phone, VSAT at radio communications, na gamit ng iba’t ibang Army units sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay M/Gen. Brawner, ang komunikasyon ay mahalagang bahagi ng humanitarian and disaster relief efforts sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
Kaya aniya binigyang prayoridad nila ang paglalagay ng communication facilities sa mga kritikal na lugar habang hinihintay ang panunumbalik ng regular na serbisyo ng mga telecommunication companies.