-- Advertisements --
Jolo Sulu blasts bombing 1 1

Hindi na itutuloy ni Philippine Army chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana ang kaniyang naging rekomendasyon na isailalim sa Martial Law ang probinsiya ng Sulu, matapos ang kambal na pagsabog sa Jolo na ikinasawi ng 15 indibidwal habang 75 ang sugatan.

Sa mensahe na ipinadala ni Sobejana sa Bombo Radyo, hindi na niya ipupursige ang pagsusulong sa Martial Law sa buong Sulu dahil may iba pa namang option para mapigilan ang anumang pagsabog sa Sulu.

Sinabi ng Heneral, nirerespeto nito ang naging pananaw ng national leadership at ang sentimiyento ng publiko.

Paliwanag ni Sobejana, nagawa lamang niyang irikomenda ito dahil unang naging epektibo ang implementasyon ng Batas Militar sa buong Mindanao lalo na sa Sulu kung saan napigilan ang anumang mga planong pagsabog sa kasagsagan noon.

Ipinagmalaki din ni Sobejana na sa panahong din ‘yon ay nagawang bawasan ng militar ang bilang ng mga kidnap victims. Mula kasi sa 54, naging tatlo na lamang ito.

Marami na ring mga Abu Sayyaf leaders ang na-neutralize at mahigit 100 bandido ang sumuko sa gobyerno.

“Good morning Anne. I am no longer pushing for ML declaration over Sulu despite the turmoil as there might be other better options. Besides, I always give due respect to the wisdom of our national leadership and the sentiment of the general public but I felt it appropriate to share with you that the military had displayed utmost professionalism and maturity during our ML implementation in Sulu when I was the JTF Sulu Commander in 2017. We have realized substantial gains on our security efforts,” ani Sobejana sa Bombo Radyo.

Siniguro naman ng heneral sa mga Suluanos na palalakasin pa rin nila ang kanilang security operations para sila ay maprotektahan laban sa mga masasamang plano ng teroristang Abu Sayyaf.

“We remain committed to protect the interest of our Tausug brothers and sisters and the rest of the Filipinos. God bless Sulu and God bless all,” dagdag ng heneral.