-- Advertisements --

Inanunsyo ng transport group na PISTON na magsasagawa sila ng nationwide transport strike sa darating na Huwebes, Setyembre 18, bilang protesta sa umano’y korapsyon sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sinabi ng grupo na layunin ng welga ang manawagan ng pananagutan mula sa mga opisyal at kontratistang sangkot sa umano’y maling paggamit ng buwis ng taumbayan.

Nakatakdang ikasa ang kilos-protesta bandang alas-5 ng umaga sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Hinimok din ng PISTON ang publiko na makiisa sa kanilang panawagan, dahil anila, lahat ng Pilipino ay apektado ng isyu ng korapsyon sa proyekto ng gobyerno.

Samantala, sinabi naman ng Malacañang nitong Sabado na iginagalang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang karapatang magpahayag ng saloobin, kaugnay ng mga kilos-protesta laban sa mga iregularidad sa flood control projects.