-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice na sila’y hindi umano kumbinsido sa mga ibinahaging salaysay ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya patungkol sa isyu ng ‘flood control projects’.

Ayon kay Justice Assistant Secretary at Spokesperson Mico Clavano, duda sila kung may katotohanan ang mga pahayag nito hinggil sa umano’y hatian ng pera galing sa maanomalyang mga proyekto.

Aniya’y kung babalikan ang mga ibinahagi ng mag-asawang Discaya sa naganap na pagdinig sa Kongreso, giit niya’y hindi kapani-paniwalang walang nalalaman ang mga ito patungkol sa alegasyon hatian sa pagitan ng mga pulitiko at opisyal ng gobyerno.

Dagdag pa ni Assistant Secretary Clavano, kathang-isip lamang raw ang sinabi ng mag-asawa na pinilit sila ng mga sangkot na magbigay ng ilang bahagi o porsyento mula sa mga proyektong nahaharap ngayon sa kontrobersiya.

Kaya’t giit ng naturang tagapagsalita na may basehan makapagpapatunay na alam ng mga Discaya kung magkano ang hatian kasunod ng implementasyon ng mga proyekto.

Buhat nito’y kanyang hamon na patunayan nilang sila’y pinilit at pinagbantaan, upang maikunsidera ang mag-asawang Discaya mapasailalim sa ‘witness protection program’.

Ngunit binigyang diin pa ng naturang tagapagsalita na ito’y sa kondisyong dapat munang ibalik at isauli ng mga nabanggit ang anumang pera nakuha sa maanomalyang flood control projects.

Dagdag pa rito, pinanindgan ni Justice Assistant Secretary Mico Clavano na ang mga pahayag ng mag-asawang Discaya patungkol sa kita o pera nakukuha ay di’ umano tugma sa kanilang pamumuhay.

Ang 3% raw kasing nababanggit ay malayo sa mga ipinagmamalaki ng naturang pamilya na mga ari-arian o kayamanan.

Ang naturang pamilya ay kasalukuyang nasasangkot sa kontrobersyal na maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.

Kanila ring kinakaharap ang isyu patungkol sa pagmamay-ari ng umano’y nasa 80 luxury cars na ngayo’y kasamang iniimbestigahan na.