Ipinahayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III nitong Linggo na kanyang hihilingin kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-certify bilang urgent ang Senate Bill 1215 o ang panukalang batas para sa Independent People’s Commission (IPC) upang mapabilis ang pag-apruba nito.
Ayon kay Sotto, layunin ng bill na gawing permanenteng batas ang umiiral na executive order ng Pangulo na nagtatatag ng IPC.
Nilinaw pa ng senador na hindi lamang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang susuriin ng IPC, kundi pati na ang mga programa ng iba pang ahensiya tulad ng Department of Agriculture, Department of Health, Department of Education, at iba pa.
Nabatid na nakasaad sa panukala na magkakaroon ang IPC ng malawakang imbestigasyon sa lahat ng iniulat na anomalya tulad ng korapsyon, ghost projects, overpricing, at paggamit ng hindi kalidad na materyales, sa mga proyekto ng national government, local government units, at mga government-owned corporations.
Bibigyan din ang IPC ng kapangyarihan na tukuyin ang mga sangkot mula sa pampubliko o pribadong sektor at magrekomenda ng mga kasong kriminal, sibil, o administratibo laban sa mga mapatutunayang may sala.