Kinumpirma ni Land Transportation Office (LTO) Chief Asec. Vigor Mendoza na peke ang serial number ng driver’s license na umano’y ginagamit ni dating Assistant District Engineer Brice Hernandez para makapasok sa casino.
Ang naturang ID ay una nang ipinakita sa Congressional hearing, kasama ang isa pang ID na naglalaman ng mukha ni dating District Engineer Henry Alcantara.
Ayon kay Mendoza, natapos na ang tracking na isinagawa ng LTO sa mga record ng opisina matapos ang paglabas ng kontrobersyal na driver’s license.
Lumalabas aniya na wala silang inilabas na lisensiya na may ganoong serial number.
Kung babalikan ang pagdinig na isinagawa ng Senado, isang driver’s license ID ang inilabas ng mga senador na nagpapakita sa larawan ni Engr. Henandez, kasama ang ilang personal information. Pero ang nakalagay na pangalan ay Marvin Santos de Guzman.
Una nang naglabas ng show cause order ang LTO laban sa dalawang engineer upang padaluhin sila sa pagdinig, kasabay ng isinasagawang imbestigasyon sa kung paano nakuha ng mga ito ang kanilang pekeng ID.
Nakatakda ang unang hearing bukas, Setyembre-12.