Inihayag ng Palasyo ng Malakanyang na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang siyang mag-aanunsiyo kung sino ang magiging chairman ng binuong Independent Commission for Infrastructure.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO) posibleng isabay ang anunsiyo sa oath taking ng mga miyembro ng komisyon.
Kahapon pinangalanan na ng Malakanyang sina dating DPWH Sec. Rogelio Singson at SGV Country Managing Partner Rossana Fajardo bilang mga commissioner sa binuong Independent Commission for Infrastructure na inatasang mag imbestiga sa mga maanomalyang infrastructure projects partikular ang mga flood control projects.
Itinalaga namang bilang special adviser ng ICI si Baguio City Mayor Benjamin Magalong at investigator ng komisyon.
Ang komisyon ay pinagkalooban ng malawak na kapangyarihan sa pag-iimbestiga kabilang ang awtoridad na mag-isyu ng mga subpoena, magrekomenda ng pagsasampa ng mga kasong kriminal o administratibo, makipag-ugnayan sa mga prosecutorial at disciplinary na katawan at humiling ng mga kaugnay na dokumento tulad ng mga libro, kontrata, rekord ng bangko at iba pang materyal na kailangan para sa pagsisiyasat nito sa tamang kahilingan o representasyon sa naaangkop na mga awtoridad.
Hindi naman nagtakda ng timeline ang palasyo sa gagawing imbestigasyon ng ICC subalit ito ay gagawin sa lalong madaling panahon.