-- Advertisements --

Inaasahang magdadala ng malalakas na pag-ulan ang isang low-pressure area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa malaking bahagi ng bansa ngayong Linggo hanggang bukas, Setyembre 15 ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ayon sa weather bulletin ng state weather bureau, ang LPA ay huling namataan sa paligid ng San Narciso, Quezon at mababa ang tsansa na maging bagyo.

Ngunit makakaapekto parin ito na magdadala ng maulap na kalangitan at malalakas na pag-ulan sa mga sumusunod na rehiyon sa Central Luzon, Metro Manila, Calabarzon, MIMAROPA, at Bicol Region.

Asahan din ang panaka-nakang pagkidlat at pag-ulan sa iba pang bahagi ng Luzon, Visayas, at Mindanao lalo na sa hapon hanggang mamayang gabi.

Tinukoy din ng weather bureau na ang mga lugar na posibleng makaranas ng katamtaman hanggang malakas na ulan (50–100 mm na buhos ng ulan) ay ang Quezon, Marinduque, Camarines Norte, at Camarines Sur.

Nagbabala naman ang state weather bureau sa mga posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga mababang lugar, urban areas, at mga bulubunduking lugar.

Wala namang itinaas na gale warning sa mga baybaying-dagat, ngunit posible parin umano ang matataas na alon dahil sa mga thunderstorm.