-- Advertisements --

Isinapubliko na ang inisyal na balangkas ng binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isang fact-finding body na tinawag na Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa pamamagitan ng Executive Order No. 94.

Ang ICI ay may mandato na imbestigahan ang mga iregularidad, maling paggamit ng pondo, at posibleng korapsyon sa mga proyekto ng gobyerno, partikular sa flood control, sa nakalipas na 10 taon.

May kapangyarihan itong:

– Maglabas ng subpoena

– Magrekomenda ng kaso sa DOJ, Ombudsman, at Civil Service Commission

– Mag-freeze ng assets at maglabas ng hold departure orders

Itinalaga bilang mga commissioner sina Rogelio “Babes” Singson, dating DPWH Secretary at Rossana Fajardo, managing partner ng SGV & Co. at isa pang hindi muna pinangalanan na tatayong chairman ng lupon.

Samantalang si Mayor Benjamin Magalong ng Baguio City ay magsisilbing special adviser sa komisyon.

Ang komisyon ay binuo matapos mabunyag ang mga “ghost projects” sa flood control na umabot sa P100 bilyon na kontrata.

Sa mga pagdinig sa Senado at Kamara, ilang contractor at dating opisyal ng DPWH ang nagbunyag ng mga kickback scheme na umano’y kinasasangkutan ng ilang mambabatas.

Ayon kay Pangulong Marcos, ang ICI ay “truly independent” upang matiyak ang integridad ng imbestigasyon.

Ang komisyon ay magsusumite ng regular na ulat sa Office of the President at mananatili hanggang matapos ang mandato nito o kung ito’y buwagin ng Pangulo.