Hindi na napigilan pa ng aktor na si Dingdong Dantes ang mga nararamdaman ukol sa tumitinding isyu ng korupsiyon sa gobyerno.
Sa isang Facebook post noong Setyembre 13, ibinahagi ng aktor ang kanyang pagkabagabag bilang magulang sa kinabukasan ng kanyang mga anak sa gitna ng kaguluhan, korupsiyon, at kawalang-katarungan.
Sa kanyang post, tinukoy ni Dingdong ang mga nangyayaring karahasan, kaguluhan, at pagbagsak ng mga pamahalaan sa iba’t ibang panig ng mundo at inihalintulad ito sa kinakaharap na kontrobersiya sa Pilipinas na aniya ay isa sa pinakamalalalang sa kasalukuyan.
Habang nanonood ng congressional hearing kasama ang kanyang asawa, na si Marian Rivera, napaisip umano sila kung anong klase ng lipunan ang iiwan nila sa kanilang mga anak: isang marangal at tapat, o isang puno ng kasinungalingan at kasakiman.
“I have never felt so disillusioned, anxious, disturbed, and angry all at once,” ani Dingdong. Dagdag pa niya, hindi lang ito simpleng isyu ng legal na korupsiyon kundi isang malalim na sistemikong problema na nagpapabigat sa buhay ng milyon-milyong Pilipino.
Gayunpaman, nananatili siyang may pag-asa, at naniniwalang may iilan pa ring mabubuting pinuno at mamamayan na tahimik na pinipiling gumawa ng tama, kahit sa gitna ng kaguluhan.
“Perhaps we are in that moment… a turning point. The beginning not of our demise, but of our journey back to truth, to dignity, and to our shared humanity,” pagtatapos ng post ng aktor.