-- Advertisements --

Hindi pinirmahan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang kahilingan ni Senator Rodante Marcoleta, na ilagay sa Witness Protection Program ng Department of Justice (DOJ) ang mag-asawang sina Pacifico “Curlee”Discaya II at Cezarah “Sarah” Discaya.

Nakasaad sa sulat ni Marcoleta na siyang namumuno ng Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa anomalya ng flood control project ay marami pang mga impormasyon ang maisasawalat ng mag-asawang Discaya.

Dahil aniya sa bigat ng testigo at banta na rin sa buhay ng mag-asawa ay mahalaga na ilagay ang mga ito sa witness protection program.

Sinabi naman ni Sotto na “unfair” sa mga Pilipino na maging state witness ang mag-asawa dahil sa dami ng pera na kanilang nakulimbat mula sa flood control project.

Magkakaiba rin o papalit-palit ang mga testimoniya nila tuwing humaharap sa pagdinig sa Senado at sa House of Representatives.

Giit pa ng Senate President na malinaw na nagsisinungaling ang mag-asawa kaya hindi ganun kadali na mapagbigyan ang hiling nila.